top of page

STEP UP: Masinop na Pagsulat sa Filipino ng Korespondensiya Opisyal

Writer: OPEN UP TeamOPEN UP Team


IN PHOTOS: Bitbit ang layuning itaguyod ang paggamit ng wikang Filipino, idinaos ng Opisina sa Pagpapaunlad ng Yamang Tao (HRDO), sa pakikipagtulungan sa Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman (SWF-UPD) ang Skills Training and Enhancement Program for UP Employees (STEP UP): Masinop na Pagsulat sa Filipino ng Korespondensiya Opisyal noong Nobyembre 11, 13, at 28, 2024, sa UP Linangan ng Maliliit na Industriya (ISSI).


Limampung kawaning may administratibong gampanin mula sa iba’t ibang opisina at yunit sa UP Diliman ang lumahok sa naturang programa na pinangunahan ng mga tagapagsanay na sina Direktor Jayson D. Petras, Kat. Prop. Eilene Antoinette G. Narvaez, at Gng. Elfrey Vera Cruz-Paterno na pawang mga mula sa SWF-UPD at Kolehiyo ng Arte at Literatura.


Hangarin ng programa na sanayin ang mga kalahok sa wasto at epektibong paggamit ng wikang Filipino lalo na sa opisyal na komunikasyon ng kani-kanilang opisina, kabilang ang mga korespondensiya, liham, sulatin, at katitikan.


Bilang paglalapat ng mga teoretikal na aralin mula sa talakayan ng mga tagapagsanay, inatasang magsumite ang mga pinagpangkat-pangkat na kalahok ng proyektong capstone. Binuo ang naturang proyekto ng pagsulat ng liham, pagbuo ng isang pormularyo, at paggawa ng malikhaing caption para sa isang social media post.


Sa pagtatapos ng pagsasanay, hinirang na pinakamahusay na proyektong capstone ang likha nina Dr. Oliva Basuel (UHS), Robert Jed Nathaniel Castillo (Kolehiyo ng Arkitektura), Awira Maiana Cruz (Balay Internasyonal), Arianne Karissa Domingo (Kolehiyo ng Musika), Agnes Guerrero (NCPAG), Lotea Luangco (IIS), Victoria Regencia (DBO), at Vanesa Santos (UFS). Itinanghal namang balediktoryan ng klase si Marife Sevilla mula sa Serbisyong Pangkalusugan ng Unibersidad (UHS).


Pormal na winakasan ni Bise-Tsanselor para sa Administrasyon Adeline Pacia ang pagsasanay sa kaniyang ibinahaging pamwakas na pananalita. Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Pacia ang halaga ng mga programa sa paggamit ng wikang Filipino, at isinaad na isang porma ng paglaban sa mga banta sa pambansang wika ang ganitong uri ng aktibidad.


Sa huli, isang hamon ang iniwan ni Pacia sa mga kalahok—ang patuloy na pagbubukas ng isipan ng bawat isa sa halaga ng wikang Filipino, hindi lamang sa gampanin nito sa kani-kaniyang opisina ngunit maging sa pagkakakilanlan ng bawat isa.


 
 
 

Comentários


bottom of page