top of page

KAPAG-ON TUNGO SA KADALAG-AN: Katatagan “Balangay” tungo sa Tagumpay

Updated: Dec 15, 2021

nina Eva Cadiz, Katherine Jayme, Mark Angelo Francisco, Jaqueline Nario, and Jocelyn Zamora


Ang “no man is an island” ay isang katagang maihahalintulad sa pakikisama at pagtutulungan. Samahan ninyo kami sa aming paglalayag sakay ng “kapag-on” (katatagan) tungo sa Isla ng Kadalag-an (Tagumpay).



PAGTATAYA NG PANAHON


Naranasan mo na ba ang mag-isa sa isang sitwasyon, sa isang pagkakataon o sa isang lugar? Dumating na ba sa buhay mo ang ika nga’y bagyo? Hayaan ninyong ilahad namin ang mga pagsubok na aming naranasan, nararanasan at mararanasan. Sumama sa aming grupo na maglalayag sa mabagyong panahon sakay ng Kapag-


Gustuhin man natin mapadali ang pamamalakad sa opisina, hindi maiiwasan ang mga hamon. Narito ang ilan, kulang sa manpower o bilang ng empleyado, nabibigyan ng higit pang tungkulin na lagpas sa inaasahan lang, limitadong suplay at gamit na makapagpapadali sa trabaho at mababang posisyon na may mataas na pagganap sa trabaho. Sa mga binanggit, hindi epektibo ang pagpapatakbo.


Isinasaalang-alang din ang lugar na pagtatrabahuhan o ang opisina bilang pangalawang bahay. Malaking bahagi ng iyong oras ang paglagi mo sa opisina. Ngunit, nag-iba ang sitwasyon ngayon panahon ng pandemya. Tahanan ang ating opisina, opisina ang ating tahanan, medyo magulo! Oo, kasi limitado ang espasyo sa ating bahay at kinakailangan na pokus sa trabaho pero nasa bahay ka. Nakararanas ka ng zoom o screen fatigue gawa ng sunod-sunod na mga pulong at pagdalo sa webinars. Kadalasan, nawawala na ang paggalang sa oras ng pahinga at lumalagpas nang hindi namamalayan o siguro mulat naman pero walang malasakit ang nag-uutos nito.


Kapansin-pansin ba ang namamayaning kultura at pagkilos sa iyong opisina? Eh, ‘yung may “power tripping” na siyempre may mataas na posisyon hinahawakan. O kaya naman, hindi marunong tumanggap ng kamalian at walang “sense of accountability.” Hindi rin nakalusot ang kultura ng “seniority” na nangyayari sa usapin ng promosyon, pag-iwas sa gawaing pang-komite at pagtigil sa pagkatuto sa bagong sistema at pamamaraan ng pagtatrabaho. Malakas din ang sagap ng “tsismis” na nagpapakalat ng maling impormasyon at nakasisira sa disposisyon ng isang tao. Iwasan mo man hindi nawawala ang inggit o ang matagal nang problema ang “crab mentality.” Hay, kawawa naman ang alimango, walang kamuwang-muwang!


PAGBUBUO NG BALANGAY


Ano ang itsura ng aming Kapag-on? Paano namin gagawin matibay at maasahan ang aming sasakyan? Mayaman ang Pilipinas sa iba’t ibang klaseng puno. Bukod tangi ang Lauan na aming napili upang simulang buuin ang Kapag-on. Ang Lauan ay isang puno na magaan, matibay at madalas na makikita sa Pilipinas at karatig mga bansa sa Asya.


Hayaan ninyong ipakilala namin ang mga bahagi ng binuo namin Kapag-on. Kinakatawan ng bawat isa sa amin ang mga bahagi nito. Napili namin ang limang mahahalagang bahagi ng Kapag-on na umaayon sa aming personalidad, karakter at pag-uugali. Halika’t samahan kaming alamin ang mga bahagi ng Kapag-on ng aming balangay.


Ang DOONG, bahagi sa harapan ng balangay na may hugis tatsulok. Mabilis na tinutugis ng tatsulok na doong ang malalaking alon ng dagat o karagatan. Pinaliliit nito ang mga alon at patuloy ang pagsulong ng balangay sa dakong nais marating at maabot. Karakter ng pagiging matatag at may kakayahang harapin anumang pagsubok na dumating ang sa doong masisilayan. Sumisimbolo ang doong ng pagiging matulungin sa pagsapit ng masamang panahon, sa paglaki ng alon at pagdating ng mga hindi inaasahan problema. Sa isang pangkat at grupo, mainam na taglayin natin ang katangian ng doong, matibay, mapapapanaligan at laging puno ng pag-asa.


Ang LAYAG, sa tulong ng hangin ang siyang nagbibigay pwersa sa isang bangka upang magpatuloy sa pagtakbo. Ang layag ay nagbibigay ng pansamantalang puwersa sa tempo sa usad ng isang bangka. Ang bilis ng takbo at hinahon ng paglalakbay, bagamat tila nakadepende sa hangin nakapagpapasya rin ito ng bilis o bagal ng kanyang aksyon, direksyon nais tahakin. Depende sa pagkakataon, depende sa oportunidad. Layag ang salitang ugat ng paglalayag, paglalakbay, sa atin bilang kawani bawat araw tayo ay naglalayag/gumagampan ng mga gawain. Kinukuha ang pagkakataon (ang lakas ng hangin) para lumayag at gawin ang tungkulin tungo sa mahusay at may malasakit sa serbisyo. Kaya patuloy tayong maglayag, patuloy tayong maglingkod.


Ang GAOD o sagwan ng balangay, nakatutulong sa pag-andar ng Kapag-on sa pamamagitan ng pagsagwan nito sa tubig. Importante ang aking posisyon para sa tuloy tuloy na pag-usad ng grupo na aking kinabibilangan. Sa mga pagkakataon na inililihis kami ng hangin, ang puwersa at kalakasan ng aking mga kamay ang magkokontrol upang patuloy na marating ang tamang direksyon na naaayon sa layunin ng organisasyong bahagi ako at patuloy na pinaglilingkuran. Gaya ng gaod, estratehiya ang siyang magpapaandar ng organisasyon, hindi nito nanaising nakahinto o nakalihis sa tunay na layunin.


Ang KATAWAN, pinakamalaking bahagi ng Kapag-on. Ako bilang katawan ay konektado sa bawat bahagi nito - ang layag, katig, gaod at doong. Mahusay at matibay ang pagkakagawa upang mapanatili nito ang ugnayan ng bawat bahagi na bubuklod sa mga ito. Maihahalintulad ko ang katawan ng Kapag-on sa mga ideyang bumubuo sa adhikain ng isang organisasyon. Kung wala ang mga pinagsama-samang ideya ng mga miyembro ng organisasyon, malabo ang kahihitnan nito. Ang mga ideya gaya rin ng isang katawan ng Kapag-on, ang magiging sentro at proteksyon ng iba’t ibang kaalaman at impormasyon ng isang organisasyon sa pagsasakatuparan ng mahusay na pamamalakad.


Ang KATIG, madalas na gawa sa kawayan. Ang kawayan kilala bilang isang makunat na uri ng kahoy, matibay at hindi madaling mabali. Isang katangian na dapat uriin ng isang katig, dahil sa pamamagitan ng katig, napapanatili nito ang balanse at payapang paglalayag ng Kapag-on. Maihahalintulad ko ang katig sa uri ng samahan na kailangang panatiliin ng mga miyembro ng isang organisasyon. Marapat na panatilihing balanse at payapa, maayos kung maituturing at hindi kayang mabuwag. May mga pagkakataong, hindi inaasahang na maputol ang lahat ng pinaghirapan at ang kabuuan mawawalan ng balanse ang Kapag-on at tuluyan nang lulubog. Nararapat na panatilihin ng bawat miyembro ang payapang relasyon upang matawid nito ang organisasyon sa patutunguhan nitong paglalayag at paglalakbay.

Mahalaga ang bawat bahagi ng Kapag-on sa patuloy na pagsulong sa patutunguhan anuman ang panahon susuungin. Ikaw, anong bahagi kang maituturing?


PAGPAPATAKBO NG BALANGAY


Hindi lang mga bahagi ang mahalaga, kinakailangan rin ng mahusay at nakakaisang komunikasyon. Sa kasalukuyan, isang pagsubok ang ating kinahaharap lalo sa pag-aayos sa bagong plataporma ng trabaho. Ang estratehiya sa komunikasyon ay mahalagang salik upang maging epektibo ang pamamalakad ng isang opisina. Malaki ang papel ng iba’t ibang teknolohiya at aplikasyon online gaya ng zoom, google meet, facebook chats, video call, emails, text messages at iba pang katulad na nakatutulong sa mabisang komunikasyon anuman layo ng mga empleyado sa isa’t isa. Patuloy na nagiging episyente ang mga pulong, transaksiyon ng mga impormasyon, pangangalap ng datos, pag-aasikaso sa mga kliyente at pagproseso ng mga papeles.


Malinaw na ang pagkilos, karakter at personalidad na dapat taglayin ng isang tunay na lider. Himuhulma at nililinang ito ng panahon at pagkakataon. Ngunit, batid na ba natin kung ano-ano ang tunguhin, layunin at estratehiya na dapat isaalang-alang sa matiwasay at patuloy na pag-unlad ng opisina?


Lahat tayo, nais natin makamit ang maayos na ugnayan sa kapwa natin mga kawani. Nais din natin abutin ang mataas na antas ng propesyunalismo. Taglayin ang magandang asal at pag-uugali sa loob at labas ng opisina. Mabigyan ng mga gawain at tungkulin makapagtutuklas sa kakayahan at kaalaman ng bawat isa. Mapabuti ang kalidad at husay ng pagtatrabaho sa opisina.


Paano nga ba magiging kapaki-pakinabang ang bawat pagkakataon at ang bawat oportunidad na tayo’y nabigyan ng trabaho? Mainam na makilahok sa mga seminar at pagsasanay. Marami ‘yan at libre lang! Huwag din kalilimutan ang pagsasagawa ng mga “team building” o pagkakaroon ng mga aktibidad na magkakasama ang mga kawani.


Nasubukan mo na bang magbigay ng opinyon? Pinakinggan ka ba? Mahalaga ang paghihikayat sa opinyon at ideya ng bawat isa. Pakinggan ang kanilang naiisip na gawain at solusyon. Sinasabi na bawat isa ay may bahagi, bawat isa ay mahalaga.

Sinisikap ng bawat kawani na mapaglingkuran ang opisina. Sa ganang ito, marapat lang na pagkalooban sila ng pagkilala sa anuman paraan, papuri o paggawad. Pinatataas at pinasisigla nito ang pakiramdam ng mga tao. Nabibigyan-halaga ang pagsusumikap.


Sa lahat ng aming natutunan, sa lahat ng aming napakinggan, sa mga napag-usapan, tiyak na tataglayin at gagawin namin ang mga ito. Sa aming paglalayag, makararating din kami sa aming patutunguhan. Naniniwala kaming sa bawat bagyo may masisilayan bahaghari. Bahaghari na sumisimbolo ng pag-asa. Makulay at ika nga’y puno ng buhay.

Salamat sa pagsama sa aming paglalayag na ito, muli ipinakikilala sa inyo ang aming Kapag-on. Kapag-on na nakarating sa Kadalag-an! Balangay tungo sa Tagumpay!


*ang kapag-on at kadalag-an ay mga salitang hango sa Hiligaynon na nangangahulugang Matatag at Tagumpay












Comments


bottom of page