top of page

Paglalayag Patungo sa Mapagkalinga at Ligtas na Pamantasan

nina Letty Arellano, Tina Broncano, Fraymon Cruz, Peps Dizon, Dina Ileto, at Liezel Gabriel


Ang creative presentation na ito ay tinanghal na Audience Choice for Creative Presentation sa nakalipas na LEVEL UP Culminating Activity noong Disyembre 10.


Hindi lamang isang destinasyon ang paglalayag patungo sa mapagmalasakit at ligtas na pamantasan. Isa itong paglalakbay. Tulad ng anumang biyahe, tangan-tangan nito ang maraming bagay tulad ng ating pangarap, mga hamon sa buhay, kalakasan, kahinaan, plano, istratehiya, at marami pang iba. Anu-ano nga ba ang naging hamon at pamamaraan na ating naisagawa upang patuloy na makalayag sa panahon ng pandemya?



Pagtataya ng Panahon (Forecasting the Weather)


Binago ng pandemya ang ating personal na buhay at buhay-paggawa. Tulad sa paglalayag, hindi tayo nakaiwas sa mga hamon na dala ng pabago-bagong panahon. Hinamon tayo na sumabay sa matatalim na hampas ng alon, malakas na unos, nakakatangay na ihip ng hangin, nakakapasong sikat ng araw, at nakakabulag na kadiliman.


Ang bawat isa sa atin sa pamantasan ay may kanya-kanyang kuwento ng hamon, tagumpay at pag-asa. Naranasan natin ang hirap ng proseso ng pagbabalanse sa pagitan ng trabaho at kalusugan. Sa kabila ng pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng pagpasok (work from home, physical reporting, hybrid, atbp.), naging hamon sa atin ang maipagpatuloy ang sinumpaang paglilingkod sa ating bayan. Naging hamon sa atin ang makapagbigay ng napapanahon, mabisa, at dekalidad na serbisyo sa kabila ng peligrong dala ng pandemya. Nahirapan tayo sa paglikha ng angkop na performance monitoring at pagbibigay gabay at motibasyon sa mga kasamahan upang magpatuloy sa kabila ng mga agam-agam, pangamba, at alalahanin. Nahirapan tayo sa pakikipag-usap at pagsisigurado na mapanatili ang koneksyon at samahan sa bawat isa. Hindi naging madali ang pagsabay sa trabaho na maaaring maiugnay sa kakayahan at mindset ng bawat isa at kakulangan sa kagamitan at suporta (maayos na kompyuter, maaasahang internet, gastos sa kuryente, sapat na espasyo sa tahanan, probisyon para sa transportasyon sa pumapasok sa opisina, atbp.). Hinamon din tayo ng pagkakataon na muling aralin at baguhin ang ating mga polisiya at patakaran (operations manual, citizen’s charter).


Pagbuo ng Balangay (Building the Balangay)


Hindi natatapos ang kuwento ng paglalakbay sa mga hamon lamang. Dahil sa walang katiyakang kinabukasan, patuloy tayong hinahamon ng panahon na maging malikhain at maging bukas sa teknolohiya at inobasyon habang napapanatili ang diwa ng relasyon at pagiging tao.


Malaki ang naging kontribusyon ng teknolohiya upang mapadali at maging kapana-panabik ang ating trabaho. Gamit ang ating mga equipment at tools, information systems, at iba’t ibang applications, naisagawa natin ang kinakailangang komunikasyon at naisakatuparan natin ang ating mga mandato. Kasabay nito, hindi rin matatawaran ang ambag ng ating pagiging tao.


Ang paggamit ng utak at puso upang patuloy na maging pamantasan ng at para sa bayan; ang mga tenga upang makinig sa mga kuwento at buhay ng ating mga kasamahan at unawin ang kanilang mga hinaing at pinagdadaanan; ang bibig upang magbigay ng boses ng pag-asa, aral, at inspirasyon; ang mga mata upang mag-alay ng malinaw na direksyon, ang ilong upang maamoy ang mga nagbabadyang hamon at panganib ng sa ganun ay makalikha ng maagap at potensiyal na solusyon; at ang mga kamay upang maging lakas at sama-samang gumawa at magtrabaho.


Sa mga problema at hamon, nakabuo tayo ng mga mungkahi na magsisilbing pundasyon at gabay ng ating mga pangarap para sa pamantasan. Mula sa ating sarili (emotional intelligence, self-awareness, self-regulation) patungo sa pagsusuri ng iba’t ibang estilo ng pamumuno hanggang sa change management, masasabi nating tayo ay pinanday at pinalakas ng ating pagsasanay.


Sa pagpapalakas ng sarili, natunghayan natin ang pagkilala sa sariling kakayahan, kalakasan, kahinaan, at limitasyon; pagkakaroon ng assertive communication style; pagpapamalas ng bukas na komunikasyon (pakikinig, pag-unawa, pagbibigay suporta, inspirasyon, at motibasyon); pagkakaroon ng peer-feedback, kahalagahan ng meditasyon; pagkakaroon ng mga mga mentor; kuwentuhan, pagbabasa ng mga libro, at pagkakaroon ng mahabang pasensya.


Upang magkaroon ng tiyak na pagbabago sa pamamahala o change management, nangibabaw ang mga sumusunod na mungkahi: pagkakaroon ng optimism o positibong pananaw, pagtatanong at pagtanggap ng mga payo, pagsesentro ng sarili sa kakayahan, at pagbubuo ng isang mapagkalingang pook-gawaan, pagkakaroon ng “growth mindset” at “futures thinking”, at pagiging bukas sa pagtanggap ng mga pagsubok at mga oportunidad.


Sa pagsusuri sa estilo ng pamumuno, kinikilala ang mga sumusunod: ang pagiging task-oriented, pasensyoso, at maunawain. Binibigyan pansin din ang pagkakaroon ng puso at pagkalinga sa bawat isa at pagkakaroon ng mataas na kahusayang pang-emosyon. Tinatampok din ang kahalagahan ng pagpapamalas ng iba’t ibang estilo ng pamumuno (authoritarian, democratic, delegating, consensus-oriented, etc.) depende sa tao, sitwasyon, at pagkakataon.


Pagpapatakbo ng Balangay (Steering the Balangay)


Sa anumang paglalakbay, lagi nating hangad ang makausad ng pasulong. Katuwang ang teknolohiya at inobasyon na niyayakap ng diwa ng relasyon at pagiging tao, lalo nating mapapaigting ang paglalayag patungo sa mapagkalinga at ligtas na pamantasan kung isasabuhay natin ang ilang mga motivation techniques tulad ng pagsasagawa ng coaching at mentoring. Kaugnay nito, mahalaga na malikha ang “environment of trust” upang maging komportable ang bawat isa.


Maaari ring isagawa ang macro and micro management styles, kung kinakailangan o depende sa tao, sitwasyon, at pagkakataon. Importante rin na maipamalas ang communication strategies na naka-angkla at inangkop din base sa tao, sitwasyon, at pagkakataon. Panghuli, inaasahang makakatulong din ang paglikha ng unit-based rewards and recognition system upang higit na magbigay gana at inspirasyon sa bawat isa upang ibigay ang abot at higit pa sa makakaya sa ating trabaho.


Sa anumang paglalakbay, lagi nating hangad ang makausad pasulong. Pangarap at hangad namin ang isang paglalayag patungo sa mapagkalinga at ligtas na pamantasan: isang paglalakbay na walang naiiwan at napag-iiwanan at isang paglalakbay na bukas sa mundo at mga posibilidad ng teknolohiya at inobasyon na niyayapos ng diwa relasyon at pagiging tao.


Ninanais naming maging realidad ang pangarap na ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malinaw na short and long term development plan para sa pamantasan at mga kawani; pagbibigay suporta sa bawat isa na makasabay sa modernong pamamaraan ng pagtatrabaho, pagbibigay alalay at pagsasanay sa bawat isa sa paggamit ng teknolohiya at makapagtrabaho bilang miyembro ng isang masayang pangkat.


Kapakipakinabang ang pagkakaroon ng semi-annual strategic planning. Malaki rin ang tulong ng pagdidisenyo at pagsasagawa ng mga learning and development initiatives gaya ng occupational safety and health, gender-sensitivity, coaching, orientation, formation and skills training, collaboration tools, records management. Nais din nating tiyakin na may probisyon para sa maayos na pook-paggawa, mga kagamitan, at iba pang suporta.


Ang Paglalayag Patungo sa Mapagkalinga at Ligtas ng Pamantasan ay isang pangarap at paglalakbay na nangangailangan ng masusing pag-aaral, partisipasyon ng lahat ng miyembro, pagkilala sa ating sarili at kapaligiran. Walang pag-usad at pangarap na matatamo kung walang masusing pagtataya, madiskarteng pagbuo ng mga plano at istratehiya, at maayos na pamamalakad.






Comments


bottom of page